<body><script type="text/javascript"> function setAttributeOnload(object, attribute, val) { if(window.addEventListener) { window.addEventListener('load', function(){ object[attribute] = val; }, false); } else { window.attachEvent('onload', function(){ object[attribute] = val; }); } } </script> <div id="navbar-iframe-container"></div> <script type="text/javascript" src="https://apis.google.com/js/platform.js"></script> <script type="text/javascript"> gapi.load("gapi.iframes:gapi.iframes.style.bubble", function() { if (gapi.iframes && gapi.iframes.getContext) { gapi.iframes.getContext().openChild({ url: 'https://www.blogger.com/navbar/3080537811049310413?origin\x3dhttp://bey06.blogspot.com', where: document.getElementById("navbar-iframe-container"), id: "navbar-iframe" }); } }); </script>

Tuesday, October 26, 2010

♥ Isang Araw sa Bahay ni Lola (Requirement for Fil 25 under Sir Nadera)


          Ang LILA Pilipina (Liga ng mga Lolang Pilipina) ay isang organisasyong sa ilalim ng Gabriela na ginawa para sa mga Filipino comfort women, mga biktima at nakaligtas sa panggagahasa at pag-aalila ng mga Hapon noong Ikalawang Pandaigdigang Digmaan. Pinaglalaban nila ang kalayaan at katarungan para sa mga biktima ng karahasan kapag may giyera.

          Bilang isang organisasyon, marami na silang nagawang mga programa at aktibidad na kasama sa pakikibaka para mabigyan ng suporta at hustisya ang mga Pilipina comfort women. Ito ay nabuo noong May 1994, at opisyal na sinimulan noong July 25 ng parehong taon. Bale labing anim na taon nang lumalaban ang LILA Pilipina.

          Isa sa mga programa ng organisasyong ito ang Lola’s House, o ang Bahay ni Lola. Ang Lola’ House ay parehong “emergency shelter” at “counselling center” para sa mga biktima at kanilang mga pamilya. Ito rin ay parang “headquarters” nila kung saan nila pinagpaplanuhan at inaayos ang kanilang mga operasyon at aktibidad. Ang pananatili at pag-aayos ng Lola’s House ay galing sa mga kontribusyon ng mga tao at mga grupong sumusuporta sa kanila.




          Doon ko lamang nalaman sa amin pagbisita na hindi nagging makatarungan ang mga gobyerno ng Japan at Pilipinas sa mga Pilipinang “comfort women” dahil masyadong karumal-dumal ang ginawang krimen ng mga sundalong Hapon sa kanila, pero hindi man lang sila binigyan ng hustisya. Kamakailan ay natalo ang LILA Pilipina sa mga kasong inihain nila sa Korte Suprema ng Pilipinas at Japan. Ito ay nakakalungkot at nakakawalan ng pag-asa dahil matagal na silang nakikibaka para sa hustisya. Nabasa ko nga sa isang placard nila, “PNOY: Matanda na kami. Kilos na!”. Oo nga naman, tumatanda ang tao at hindi ito mapipigilan. Hinihintay kaya ng Japan na mawala na silang lahat? Bakit nga ba hindi tumutulong ang ating gobyerno sa mga comfort women? At kung tutuusin, dalawang babaeng presidente na ang umupo sa pwesto ngunit bakit wala pa ring nagawa hinggil sa isyung ito?



          Kung tutuusin, tama lang naman ang mga hinihingi ng LILA Pilipina sa mga gobyerno ng Pilipinas at Japan. May iba’t ibang hinihingi ang LILA Pilipina sa kanila. Ang mga dinedemanda nilang ibigay sa kanila ng gobyerno ng Japan ay:

     a) Tuparin ang kanyang responsibilidad isama ang lahat ng impormasyon sa kanilang “war archives” na may kinalaman sa operasyon ng mga “comfort stations” at ang “comfort women system”.

     b) Magbigay ng tamang kabayaran para sa mga babaeng biktima at kanilang pamilya.

     c) Isama bilang reference sa mga textbook at history books ang realidad ng military sexual slavery, tulad na lang ng pagkakaroon ng “comfort women” noong Ikalawang Pandaigdigang Digmaan bilang isang krimen.

     d) Aminin ang paggamit ng pagmamaltrato at karahasan sa mga “comfort women” bilang “military sex slaves”.

     e) Pormal na humingi ng tawad sa mga Pilipino, lalong lalo na sa mga babaeng biktima at kanilang pamilya sa ginawa ng kanilang militar na pag-aalila at panggagahasa ng Asyanong kababaihan.


Ang kanilang mga dinedemanda nila mula sa gobyerno ng Pilipinas ay:

     a) Opisyal na ideklara ang pagiging krimen ng “comfort women system” ng gobyerno ng Japan, ikundina at kanyang direktang kontribusyon sa “institutionalized sexual slavery” at humingi ng pormal na paghingi ng tawad at kabayaran para sa mga biktima at kanilang pamilya.

     b) Magsagawa ng opisyal na imbestigasyon at dokyumentasyon ng issue ng comfort women.

     c) Isama sa kasaysayan ng Pilipinas ang realidad ng “comfort women” at “comfort stations” noong Ikalawang Pandaigdigang Digmaan. Kasama rito ang kurikulum, textbooks at ibang materyal na instraksyunal na parehong ginagamit sa pampubliko at pribadong paaralan sa lahat ng antas.

     d) Gumawa ng “historical markers” at mga shrine para sa mga comfort women at mga biktima ng digmaan noong Ikalawang Pandaigdigang Digmaan sa buong bansa bilang pag-aalala sa kasalukuyang henerasyon ang malungkot na realidad sa likod ng mga giyera.

     e) Magbigay ng materyal na suporta para sa mga biktima at kanilang pamilya.





          Sa tingin ko ay tama naman ang hinihingi nila sa ating gobyerno at gobyerno ng Japan. Malaki ang atraso sa kanila ng mga sundalong Hapon dahil hindi lang sila ang mga biniktima – pati na rin ang kanilang pamilya ay nakaranas ng pagmamalupit ng mga sundalong Hapon. Naaalala ko pa noong kinuwento sa amin ni Lola Isang (Narcissa Claveria ang kanyang buong pangalan) ang nangyari sa kanya at kanyang pamilya noong sinakop ng mga Hapon ang Pilipinas. Sigurado akong maraming beses na niya iyon nakuwento sa iba’t ibang klaseng tao at estudyante, ngunit hindi pa rin nababawasan ang sakit at galit na kanyang nararamdaman. Sa simula pa lang ng kuwento niya ay umiyak na siya kaagad. Sa lahat ng mga lola roon, siya ang sa tingin namin ay ang pinakamasiyahin, ngunit nang siya ay nagkukuwento, sinabi niyang hindi na siya magiging masaya ulit dahil sa kanyang naranasan [more than half a century ago]. Ganoon ba talaga kasakit ang kanyang mga maranasan para sabihin niyang hindi na siya magiging masaya ulit? Marami pa namang magagandang bagay at karanasan sa mundo. Wala ba siyang naranasang mga masasayang bagay sa tagal niyang nabuhay? Nakita ko namang natuwa siya sa games tulad ng Pinoy Henyo at Newspaper Dance, kaya masasabi kong siguro ay kaya niya pa rin maging masaya. Grabe lang talaga siguro ang poot, galit at hinanakit na hanggang ngayon ay nararamdaman niya sa mga sundalong sinaktan siya at ang kanyang pamilya, at marahil rin ay masama rin ang loob niya sa gobyerno ng Japan dahil hindi pa nito binibigay ang hustisyang kanilang tinatamasa. Doon ko napagnilaynilayang maswerte talaga ako at ang mga henerasyong hindi nakaranas noon dahil sigurado akong ang naranasan ni Lola Isang ay panghabangbuhay na magiging bangungot para sa kanya at gayon na rin na ibang mga lola sa LILA Pilipina. Sa tingin ko medyo magkakapareho ang mga kuwento ng halos lahat ng mga lola – binugbog at pinatay ang ama at mga lalaking kapatid, ginahasa at pinatay ang ina, at ginawa silang “comfort women” pati na rin ang kanilang mga kapatid na babae, kung meron man. Sa kuwento ni Lola Isang, sinabi niyang wala silang pahinga – pinagtatrabaho sila sa umaga at sa gabi nama’y pinagpapasahan sila at paulit-ulit ginagahasa hanggang sa mapagod o magsawa ang mga sundalo. Hindi rin sila pwedeng makipag-usap sa ibang mga babae dahil sasaktan sila ng mga Hapon kapag may nakita silang nag-uusap na mga babae.

          Malaki ang papel na ginagampanan ng kababaihan sa lipunan. Mahalaga sila dahil hindi tatagal ang isang lipunan kung walang kahit isang babae rito. Sila ay dapat pinapahalagahan, inaalagaan at binibigyan ng importansya. Naiintindihan ko si Lola Isang. Hindi siya lumalaban para lang sa sarili niya, sa pamilya niya at sa mga kaibigan niya; lumalaban din siya para sa mga susunod na henerasyon dahil ayaw niyang maranasan pa ng kahit sinong Pilipina ang kanyang mga pinagdaanan. Hindi naman talaga dapat iyon mangyari kahit kanino man. Nakakalungkot nga lang isiping hindi masyadong nagbibigay ng suporta an gating gobyerno. Parang kulang tayo ng Filipino pride. Sana naman ay marami pang tao – lalo na Pilipino – ang mamulat ang mga mata tungkol sa isyung ito. Hindi dapat natin tanggaping hanggang dito na lang ang magagawa natin. Kung hinihintay ng gobyerno ng Japan na mawala sa mundong ito ang lahat ng lola ng LILA Pilipina, mali ang kanilang naisip na istratehiya dahil may mga lalaban pa rin para sa kanila. May magpapatuloy at magtatapos ng kanilang sinimulan. At sana naman ay mga estudyante iyon ng Unibersidad ng Pilipinas.

I AM GRUMPY.
9:22 PM


♥ theGrumpyToast ;



      theGrumpyToast is very grumpy. Beware, this toast bites.

      Hi! My name is Bey. :)
      18 yrs. old
      I am a daughter of God. :)
      Studying at the University of the Philippines Diliman
      Taking up Public Administration
      I <3 my friends, family and God
      I'm a complex person.
      Aaaaand, I don't like annoying people. xp

♥ TagBoard



    The toast said TAG. NOT spam.
    Free shoutbox @ ShoutMix

♥ Hit Counter

Sponsored by executive mba mba guide.


♥ Thank you

♥ Past rawr-ing